Konstruksyon ng NLEX-SLEX Connector Road Link sisimulan na
ni Shane F. Velasco


LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan,  (PIA) -- Natuloy na ngayong Abril
ang konstruksiyon ng isang Skyway na magdudugtong sa dalawang
pangunahing expressway ng bansa, ang North Luzon Expressway (NLEX) at
South Luzon Expressway (SLEX).

Kasunod ito ng desisyon ni Pangulong Benigno Aquino III na ipatuloy
ang proyekto na literal na magkakabit sa hilaga at katimugang bahagi
ng Luzon na hindi na maiipit sa masikip na daloy ng trapiko sa
Kalakhang Maynila.

Matatandaan na inaprubahan ang konsepto ng proyekto noong Marso 2010
at nabili na ng gobyerno ang kabuuang road-right of way na gagamitin
dito pagsapit ng Abril ng taon ding iyon. Layunin ng proyekto na
makakabiyahe ang mga sasakyan mula NLEX hanggang SLEX sa loob lamang
ng 15 minuto.

Ayon sa kumpletong feasibility study na iprinisinta ni Rodrigo Franco,
pangulo ng Manila North Tollways Corporation (MNTC), tatakbo ang mga
sasakyan mula sa NLEX Mindanao Avenue Interchange o ang tinatawag na
Segment 8.1 patungo sa Segment 8.2 na tinatawag na NLEX-North Harbor
Link, na kasalukuyan na ring sinisimulan.

Mula rito, babaybay ang NLEX-SLEX Skyway Connector sa ibabaw ng riles
o Rail-Right-of-Way ng Philippine National Railways (PNR) hanggang
makarating sa SLEX sa bandang Buendia, doon literal naman itong
ikakabit sa Skyway Stage 1.

May kabuuang haba ang NLEX-SLEX Skyway Connector na 13.24 kilometro.

Ang unang tatlong kilometro ay tatawid sa Mac Arthur Highway na
tatahak sa Letre road, kakaliwa sa C-3 road papuntang Espana
Boulevard. Pagdating dito, ‘iibabaw’ na sa railways track ng PNR ang
NLEX-SLEX Skyway Connector kung saan mula Espana Boulevard, babagtasin
na nito ang A.Lacson Avenue, Paco-Sta.Mesa road, Quirino Avenue
hanggang umabot sa Osmena Highway na pagkakabitan nito sa Skyway Stage
1 sa Buendia na nasa lungsod ng Makati.

May apat na entry at exit ramp. Isa sa C-3 road sa Caloocan, Espana at
Quirino sa lungsod ng Maynila at Gil Puyat sa Makati. Nagkakahalaga ng
P17 bilyon ang naturang proyekto na pangangasiwaan ng MPIC.

Ayon sa BOT law, ang pribadong sektor tulad ng MPIC ang gagastos,
magtatayo at mamamahala sa buong proyekto sa panahon ng konsesyon na
ipinagkaloob ng gobyerno.

Base sa kasalukuyang konsesyon ng MNTC, hanggang 2037 hahawakan ng
pribadong kumpanyang ito ang operasyon at pagpapalawig ng NLEX at iba
pang segments nito tulad ng NLEX-SLEX Skyway Connector Project na may
apat na linya o tig dalawang linya sa magkabilang direksiyon.
Nagsisilbi namang pamantayan ang BOT ng mekanismong Public-Private
Partnership (PPP) na patuloy na isinusulong ng administrasyong Aquino.
(CLJD/SFV-PIA 3)

Comments