UNA TUTOL SA APECO - Casiguran, Aurora

Nagpahayag ng suporta ang United Nationalist Alliance (UNA) sa multi-sectoral calls na kinabibilangan ng Simbahang Katolika na humihikayat sa Supreme Court na pagdesisyunan na ang mga nakasampang petisyon na kumukuwestyon sa kontrobersyal na Aurora Pacific Economic Zone and Free Port (Apeco).

Sinabi ni Toby Tiangco, na tanging ang desisyon ng SC ang makakapigil sa gobyerno na maglabas ng P353 milyon kada taon sa Apeco.

Ang Apeco ay nilikha ng dalawang batas na inis­ponsoran ni Sen. Edgardo Angara at ng kanyang anak na si Rep. Sonny Angara na ngayon ay tumatakbong senador sa ilalim ng Liberal Party.

Noong 2012, daan-daang mangingisda at magsasaka ang nagmartsa ng mahigit 200 kilometro mula Casiguran hanggang Maynila para umapela kay Pangulong Benigno 'Noynoy' Aquino III para ibasura na ang Apeco.
Ang mga nagmartsa ay pawang miyembro ng 3,000 pamilya na puwersahang inalis sa kanilang mga lupa.

Nangako si Pangulong Aquino na rerebyuhin ng NEDA ang proyekto at imbestigahan ang iregularidad sa Apeco subalit ang naturang kontrobersiya ay nananatiling hindi naaaksiyunan.

Kinopya umano ng mga Angara ang konsepto ng Apeco buhat sa Subic Bay Freeport Zone at sa Cagayan Special Economic Zone ngunit ang mga kondisyon sa Aurora Province ay iba sa Subic Bay at Cagayan.

Ang probinsiya ay nakatayo sa daanan ng bagyo, walang maayos na mga kalsada, kulang at masyadong malayo mula sa mahahalagang paktorya at business centers kaya hindi ito nakahihikayat ng investors o mamumuhunan.

Comments