VILLAR ININDORSO NG ISA PANG CHARISMATIC GROUP

LALONG  lumakas ang senatorial bid ni dating Las Pinas Rep. Cynthia Villar makaraang siya’y iendorso ng  Catholic Conscience Vote Phils. (CCVP), isang instrument ng pro-life, pro-family charismatic communities at organizations.
 
Sa isang pagpupulong, sinabi ni CCVP Secretary-General Antonio Ag. Medina na napagkasunduan nilang suportahan ang kandidatura ni Villar dahil sa paninindigan nitong itaguyod ang buhay ng tao at pangalagaan ang pamilya.
 
Nang magsilbi siyang kongresista sa loob ng siyam na taon, sinuportahan ni Villar ang pagpasa sa mahahalagang  panukalang batas para protektahan ang interes at kapakanan ng pamilya at mga miyembro nito. 
 
Sa pagsuporta kay Villar na kumakandidato sa pagka-senador sa ilalim ng Nacionalista Party-Team PNoy, binanggit ni Medina ang “NO Vote” ng asawa nitong si  Senator Manny Villar na sinalungat ang pagpasa sa Reproductive Health  bill sa Senado.
  
Ipinahayag din niya na ang mag-asawang Villar ay matagal nang kasapi ng Couple’s For Christ (CFC) kung saan aktibo ang mga ito sa pagsuporta sa ahikain ng naturang organisasyon.
 
Binuo ang CCVP, na may 600 allied Catholic communities at organizations sa buong kapuluan, upang tulungan ang pro-life and pro-family candidates upang manalo sa halalan.
 
“Bagama’t mayroong tinatawag na ‘command votes’  mula sa El Shaddai ni Brother Mike Velarde, Kingdom of Jesus Christ ni Apollo Quiboloy, Jesus Is Lord ni Brother Eddie Villanueva at Iglesia Ni Cristo, namumuo na ang Catholic vote dahil sa RH issue,” ani Medina.
 
Ang CCVP ay  binuo bilang tugon sa January 28, 2013 pastoral letter ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) na nanawagan para sa "circles of discernment”  upang kilatisin ang sinseridad, kalidad at  kakayahan sa pamumuno ng mga lider na ihahalal.
 
Naniniwala ang CCVP na para sa mga “spiritually mature,” ang public office ay isang pagkakataon para makapaglingkod. Ang opisinang ito at ang mga taong kanilang pinaglilingkuran ang maglalapit sa kanila sa langit.. “Mahalin sila sa pagboto sa kanila,” sabi pa ng CCVP.
 
Subalit para sa “spiritually immature,” ang public office ay okasyon para sa kasalanan.  Ang opisinang ito at ang taong kanilang pinaglilingkuran ang magdadala sa kanila sa kasamaan.. “Mahalin sila sa pamamagitan ng hindi pagboto sa kanila,” dagdag pa ng charismatic group.
 
Bukod kay  Villar,  ieendorso rin ng CCVP ang kandidatura nina reelectionist Senators Aquilino “Koko” Pimentel III at Antonio Trillanes IV. Ang mga ito ay nauna nang inindorso ng White Vote Movement na pinangunahan ng El Shaddai.
 
Susuportahan din ng CCVP sina senatoriables JC delos Reyes, Lito David at Mar Llasos, tumatakbo sa ilalim ng Kapatiran, na pinaniniwalaan ng CCVP na tanging partido pulitikal na may plataporma at programa na naaayon sa pangaral ng Simbahang Katolika.
 
Opisyal na iproproklama ng CCVP ang kanilang suportadong  senatorial bets sa April 28, 2013 sa  pagpupulong ng may 6,000 lider ng “Soldiers of Christ, Servant Communities at ibang member organizations sa Maypajo, Caloocan City.
 
Ang mga opisyal ng CCVP ay sila Bert Alba, Chairman; Antonio Medina, Secretary-General; Nestor Camacho, Deputy Secretary General; Ricky Presa, head  ng Council of the Laity, Diocese of Paranaque; Bro. Alberto “Ting” Arcadio, National Head Servant Soldiers of Christ at Fr. Leonardo Polinar, National Shepherd Servant Coomunites; Fr. Melvin Castro at Bishop Jose Colin Bagaporo, spiritual advisers;  retired Supreme Court Justice Leonardo Quisumbing, legal adviser; Lawyer Alonso Tinagan, Prof. Carmelio Cajayon, Jing Mendoza at Feloryn Delavin, Directors.
 
Ang CCVP ay kinabibilangan ng mga sumusunod: Soldiers of Christ, Servants Communities, Transparochial Catholic Charismatic Alliance, Love’s Flock, Knights of Columbus Paranaque, Knights of Columbus Aklan, Catholic Vote Alliance, Unlad Kapanalig, Kawal ni Kristo (Bulacan Province) at Lunda Luntiang Daigdig.
 
Inaasahang makapagbibigay ang CCVP ng hindi bababa sa 1.7 million votes.

Comments