2013 MIDTERM ELECTION SA AURORA MAITUTURING NA MAPAYAPA AT MATAHIMIK

Tahimik at mapayapang maituturing ang naganap na midterm election 2013 nitong nakaraang Lunes partikular sa Lalawigan ng Aurora, ito ang sinabi ni Rev. Fr. Nilvon Co Villanueva, ang Koraparoko ng Parokya ni San Luis Obispo sa Bayan ng Baler, Aurora kahapon sa kanyang homiliya.

Ang matahimik at mapayapang proseso ng halalan ay bunga umano ito ng sam-samang pananalangin, pagsisikap at pagmamatyag ng buong Simbahan at ng mga Munting Sambayanang Kristiyano o MSK.

Ang naganap na halalan ay pinaniniwalaan ng lahat na ito ay magbibigay ng pag-asa at pagbabago ng lipunan tungo sa makatao at makaDiyos na Lipunan kaisa ang Simbahan. At pagtakwil sa bulok na sistema ng pamahalaan.

Ayon pa kay Villanueva, dapat umanong kaisa ang mga dukha sa agenda ng pamahalaan para sa tunay na pagpapanibago ng lipunan.

Hindi rin umano titigil ang Simbahan hanggat may nandaraya at bumibili ng boto sa tuwing panahon ng election dahil ang Simbahan at MSK umano ang may pananagutan at misyon para sa kapakanan ng nakararami. Magpapatuloy umano ang laban ng mga Binyagang Kristiyano para sa mabuting lipunan.

Samantala, lubos naman ang pasasalamat ni Villanueva sa lahat ng nagboluntaryo sa Parish Pastoral Council For Responsible Voting o PPCRV, sa kanilang pagtugon para makamit ang hinahangad na mapayapa, maayos, malinis at patas na halalan. Ang mga PPCRV Volunteer umano ay isang maituturing na mga Bayani.

Comments