ISUZU FORWARD TRUCK BUMALIKTAD 2 PATAY, 7 SUGATAN - Dinadiawan, Dipaculao, Aurora

Patay ang 2 habang sugatan ang 7 matapos bumangga ang sinasakyan nitong Isuzu Forward Truck sa Kilometer 2, Barangay Dinadiawan, Dipaculao, Aurora kamakailan.

Kinilala ang ang mga biktimang namatay na sina Robert Buenavista, 40 taong gulang at Dixon Papular.

Kinilala naman ang mga sugatan na sina Joey G. Cabagnot, Lupo dela Cruz, Jonald dela Cruz, Jun dela Cruz, Abigail dela Cruz, Eduardo Coronel, at ang driver na si Gerardo A. Diňo, kapwa mga residente ng Talavera, Nueva Ecija.

Ayon sa imbetigasyon ng PNP Dinadiawan, dakong alas siyete ng umaga noong Huwebes, binabagtas umano ng Isuzu Forward Truck na may plakang XBH-636 na kargado ng Palay ang kahabaan ng Casiguran to Baler Road, habang pababa ang naturang sasakyan ng bigla itong mawalan ng preno at mawalan ng control, bumangga ito sa puno ng niyog, bago tuluyang tumagilid.

Ang mga biktima ay nagtamo ng gasgas at mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan.

Agad naman naidala ang mga ito sa Aurora Memorial Hospital sa Barangay Reseva, Baler, Aurora para malapatan ng karampatang lunas.

Sa huling impormasyon, ang bangkay ng dalawang biktima ay naihatid na sa kanilang tahanan at nakauwi narin ang pito pang biktima ng insidente.

Comments