Nagkaisa ang mga
organisadong sektor, institusyon at mga taong-Simbahan sa lalawigan ng Aurora,
kasama ang tagapamahala ng Prelatura ng Infanta Rev. Fr. Mario Establecida,
nagkatipon mula noong ika-21 hanggang 23 ng Mayo 2013 sa parokya ni San Jose
Manggagawa, Dilasag, Aurora para sa taung pagtatagpo ng Daupang Palad ng Taong
mga Sektor at Taong Simbahan o DPSTS.
Ayon sa grupo, nananatiling
napagsasamantalahan ng negosyante/komersyante ang mga magsasaka sa anyo ng
murang produktong agricultural, mahal na kagamitan sa produksyon, at mataas na
interes ng pautang.
Walang katiyakan ang kinabukasan ng
kabataan sa ekspermentong programang K-12 at dagdag pahirap ang pagtaas ng
matrikula sa eskwelahan. Dahil dito, maagang nasasadlak ang kabataan sa
paghahanap buhay at bisyo.
Dama ng grupo ang pangangailangan para
sa mahigpit na pagkakaisa, pagtutulungan at pagdadaupang palad. Ang kalalagayan
ay nananawagan ng buong pagsuko at pagtatalaga ng sarili para sa sambayanan ng
mga dukha. Batid ng grupo ang kakulangan ng kanilang pananampalataya kung kaya
itinatalaga nila ang kanilang sarili para sa patuloy na paghubog sa
pananampalatayang buo (integrated faith formation).
Sa panahon ng Taon ng Pananampalataya
at sa inspirasyon ng mga martir at bayani ng Prelatura ng Infanta,
pag-iibayuhin ng grupo ang pagmumulat, pag-oorganisa, at sama-samang pagkilos
sa mga suliraning kinakaharap ng pamayanan at sambayanan upang tumugon ayon sa
tawag at kalooban ng Diyos.
Comments
Post a Comment