13 anyos na batang babae, disgrasyang nabaril, kritikal parin ang kondisyon

Kritikal parin ang kondisyon ng isang trese anyos na batang babae makaraang ito’y disgrasyang mabaril ng suspek sa Sitio Hacienda, Barangay Nonong Sr., San Luis, Aurora noong nakaraang sabado, Hulyo 27, 2013.

Nagtamo ang bata ng isang tama ng bala ng baril Kalibre 38 sa dibdib na bahagi ng kanyang katawan.

Sa huling impormasyon kahapon mula kay San Luis PNP Officer Sonny Montes, hindi parin maoperahan ang bata para tanggalin ang balang bumaon sa kanyang dibdib dahil maselan ang bahagi na kinaroroonan ng bala.

Ayon sa doktor ng PJG Hospital sa Cabanatuan City kung saan naka-confine ang biktima, hihintayin pang bumaba ang bala mula sa kinaroroonan nito malapit sa baga. Wala pang itinakdang oras o araw para sa operasyon ng bata.

Ang ama ng biktima ang target na barilin ng suspek na si Jomar Luceriaga habang nasa kasalukuyan silang nagsasagawa ng pamanhikan, nang bigla umanong magkainitan ang pagtatalo ng ama ng biktima at ang suspek, at dito disgrasyang ang bata ang tinamaan ng bala. (Arnel M. Turzar/George Balbero)

Comments