Mamamayang apektado ng economic zone sa Casiguran, nagpasalamat sa ISM.

Lubos ang pasasalamat ng ilang mamamayang apektado ng proyekto Aurora Pacific Economic Zone and Freeport Authority o APECO sa Barangay Esteves, Dibet at Barangay Bianoan, sa grupo ng International Solidarity Mission kahapon.

Sinabi ni Vicente Convicto, Pangulo ng Pinag-isang Lakas ng mga Samahan sa Casiguran, Aurora o PIGLAS-CA, malaki umano ang maitutulong sa kanila ng delegasyon ng ISM upang maimbistigahan, malaman at mabigyang linaw ang kalagayan ng mga mamamayan na nasa loob ng proyekto.

Ayon pa kay Convicto, sa pamamagitan ng ISM lalabas umano ang katotohanang problema na dulot umano ng apeco sa mamamayan ng Casiguran.

Sinabi pa ni Convicto na ang proyektong apeco ay hindi para sa mga mamamayan ng Casiguran, bagkus ito umano ay pansariling interes lamang ng mga tagapagsulong ng proyekto.

Ang apeco din aniya ay nagiging daan lamang ng hindi pagkakaunawaan ng mga mamamayan sa Casiguran partikular sa mga katutubo. Ito rin umano ang sumisira kanilang kultura at lumalabag sa kanilang karapatan sa panirahan at kabuhayan.

Dagdag pa ni Convicto na ang apeco aniya ay hindi pa nararamdaman magpahanggan sa ngayon mula nang ito ay simulan noong taong 2007. Hindi umano ito ang magbibigay ng tunay na kaunlaran at mag-aangat sa kabuhayan ng mamamayan sa Casiguran.  (Arnel M. Turzar)

Comments