Muslim community sa bayan ng Baler, nagpasalamat sa PNP

Lubos ang pasasalamat ng mga Muslim Community sa Bayan ng Baler makaraang ipaliwanag sa kanila ng Baler Philippine National Police ang mga batas na poprotekta sa kanila partikular na sa mga kababaihan, kamakailan sa Sitio Dike, Barangay Pingit, Baler, Aurora.

Ang pag-aaral ay pinangunahan nina SPO3 Zaide Ritual at SPO3 Lorena Bautista, inisa-isa nila na ipinaliwanag sa mga partisipanteng Muslim ang bawat probisyon ng Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act,  at ang Republic Act 9262 o mas kilala sa tawag na Anti-Violence Against Women and their Children Act of 2004 (VAWC).

Sa pangunguna ni Larry Sultan, Pangulo ng Muslim chapter ng Aurora, nagpasalamat sila sa pamunuan ng kapulisan. Maganda umano ang adhikain ng ganitong mga pag-aaral, nalalaman ng bawat isa ang mga karapatan. 

Ayon sa PNP, ang ganitong gawain ay alinsunod parin ng pagsasakatuparan ng Police Community Relation Month o PCRM ngayong buwan ng Hulyo sa ilalim ng Presidential Proclamation No. 764 sa temang “Serbisyong Makatotohanan at Matatag na Ugnayan ng Pambansang Pulisya at Mamamayan Tungo sa Matuwid na Daan. (Arnel M. Turzar)

Comments