NILAMON NG APOY ANG ISANG BAHAY SA BAYAN NG DIPACULAO, SA LAKAS NG APOY WALANG NAISALBANG GAMIT

Nilamon ng apoy ang isang lumang bahay sa Bayan ng Dipaculao, Aurora noong Lunes. 

Sa impormasyong nakalap ng CMN News, dakong alas-diyes noong Hulyo 8, 2013 nang magsimulang masunog ang bahay na pagmamay-ari ni Ginang Nina Palaruan sa North Poblacion ng nasabing Bayan.

Madaling lumaki at kumalat ang apoy dahil gawa sa kahoy ang pangalawang palapag ng naturang bahay.

Nagtulong-tulong ang mga bumbero ng Dipaculao, Maria Aurora, at San Luis na apulahin ang naturang sunog. Nagtagal ng halos dalawang oras bago nakontrol ang apoy.

 Wala umanong naisalba kahit anong gamit na nasa loob ng bahay, wala namang nasaktan sa naturang sunog. 

Inaalam pa ang pinagmulan ng sunog at kung magkano ang halaga ng napinsalang mga ari-arian (Eddie Rebueno)

Comments