Retiradong Pulis, napatay ng sariling anak sa bayan ng Dipaculao


Patay ang isang retiradong pulis makaraan itoy aksidenteng mabaril ng kanyang anak noong Miyerkules  sa bayan ng Dipaculao.

Ang biktima ay kinilalang si Tito Dolay Quiben y Gines, 48 taong gulang, may asawa at residente ng Barangay Puangi ng nabanggit na bayan.

Kinilala naman ang suspek na si Jerwin Quiben y Valdez, 19 na taong gulang, kapwa residente sa naturang lugar.

Ayon sa paunang imbestigasyon ng Dipaculao PNP sa pangunguna ni SPO1 Antonio G. Castillo, sa pagitan ng ika-10:00 ng gabi noong Hulyo 17, 2013 nang maganap ang insidente.
Lasing umano ang biktima habang nagtatalo sila ng kanyang asawa sa loob ng kanilang bahay. Tinawag ng nakababatang kapatid ang suspek mula sa isang gasulinahan malapit sa kanilang  tahanan para pakalmahin ang pagtatalo ng mga magulang nila. Matapos nitong pakalmahin ang pagtatalo ng mag-asawa, ang suspek naman ang pinag-initan ng biktima. Sa kalagitnaan ng kanilang pagtatalo nagawa ng suspek na pumunta sa bahay ng kanyang lolo malapit lang sa pinangyarihan at nakuha umano nito ang baril na hindi pa matukoy na Kalibre ng kanyang lolo at disgrasyang naiputok sa kanyang ama.

Nagtamo ng tama ng bala sa bahagi ng leeg ang biktimang si Tito Dolay Quiben na kanyang kinamatay.

Samantala, habang sinusulat ang balitang ito ay kasalukuyan pa ang isinasagawang imbestigasyon ng Dipaculoa PNP sa pangunguna ni SPO1 Huvert Abordo at hinahanda ang kaukulang kaso laban sa suspek. (Arnel M. Turzar)


Comments