SIMBAHAN NG BALER NAGPALIWANAG SA HINDI NITO PAGPAYAG SA KAHILINGAN NI DATING MAYOR ANGARA

Makaraan ang isang linggo ipinaliwanag kahapon ni Rev. Fr. Nilvon Co Villanueva ang dahilan kung bakit hindi niya pinayagan na isagawa sa harapan ng Simbahan ng Baler ang programa ng pagdriwang ng Philippine-Spanish Friendship Day noong nakaraang  ika-30 ng Hulyo 2013.

Nagpadala umano ng liham kahilingan para gamitin ang harapan ng Simbahan ang Komite ng pagdiriwang ng Philippine-Spanish Friendship Day noong ika-27 ng Hulyo 2013, tatlong araw bago sumapit ang petsa ng okasyon, para ipaalam sa Paring lingkod ang programa ngunit ang kahilingan ay hindi sinang-ayunan.

Maliban dito nakatanggap din umano ng sulat si Fr. Villanueva mula sa tanggapan ni dating Baler Municipal Mayor Arthur J. Angara noong ika-29 ng Hulyo 2013, isang araw bago ang Philippine-Spanish Friendship Day. Ayon sa sulat ni Angara “wala umanong alam si Fr. Villanueva sa kasaysayan,  sinisira umano niya ang magandang pagdiriwang ng pagiging magkaibigan ng Pilipinas at Ispanya, na hindi umano taga Baler si Villanueva kaya hindi daw siya marunong makiisa sa mga taga Baler at iba pa”.

Paliwanag ni Fr. Villanueva, araw ng linggo ang pagdriwang ng Philippine-Spanish Friendship Day at sunod-sunod ang Misa mula alas-sais, alas-otso at alas-diyes ng umaga, na ito aniya ang dahilan ng hindi niya pagpayag na magkaroon ng programa sa harapan ng aturang Simbahan.

Dagdag pa ni Villanueva, alam naman aniya na ang mga nakalipas na pagdiriwang ay walang nagging proplema sa kanya sa paggamit ng harapan ng Simbahan sa tuwing dumarating ang katulad na okasyon. (Arnel M. Turzar)

Comments