UNANG TAONG PAGUNITA SA PAGKAPASLANG KAY KA WALDO PALISPIS

Ginugunita noong Linggo ika-30 ng Hunyo 2013 ang unang taon ng pagkapaslang kay Romualdo “Ka Waldo” Palispis, organisador/Lider, edukador at tinaguriang lokal na bayani dala ng kanyang mga adbokasiya sa pagtataguyod ng Karapatang Pangtao at bago namatay, namuno ng TASKFORCE: Huwag Hatiin ang Bayan ng Maria Aurora.

Ang naturang paggunita na inorganisa ng nabanggit na Task Force, at kasalukuyang pinamumunuan ni Bb. Katriz Mae Palispis, anak ng napaslang, halal sa unang pwesto ng Kagawad ng Sangguniang Bayan ng Maria Aurora, ay tinampukan sa unang bahagi ng pagdinig ng Misa, ika-8 ng umaga na pinangunahan ng paring Lingkod ng Parokya ni San Vicente Ferrer, Rev. Father Andres Lumasak;  Sinundan ng pagmamartsa patungung cementeryo na doon ay nagsipagtirik ng kandila ang mga nagsipalahok at matapos nito ay ang patuloy na pagmartsa palibot ng kabayanan na di alintana ang panakanakang pagbuhos ng ulan na nilahokan ng mga Taong Simbahan, organisadong samahan at mula sa iba’t-ibang sektor ng lipunan.

Tinaguriang LAKAD-KATARUNGAN para kay Ka Waldo ang pagmamartsa bilang pagpapahayag at sigaw sa patuloy na paghahanap ng katarungan nito ayon pa kay Ginoong Dickson Almeda, Co-convenor ng naturang Taskforce. 

Nagtapos ang martsa sa Tahanan ng napaslang na lider at doo’y nagkaroon pa ng programa at dininig ang mga pahayag-simpatiya at taga-suporta ng ibat-ibang samahan tulad ng JPAG, PAMANA, Akap/Kalinga, mula sa Bataris sa kanilang patuloy napaghahangad na makamit ang katarungan para kay Ka Waldo. 

Ayon kay Fr. Lumasac, Co-convenor ng Task Force, ang unang Taon ng kamatayan ng isang tao ay ang pagbaba ng luksa o pagtapos ng lungkot at pighati, subalit sa pamilya at tagasuporta ni Ka Waldo ay patuloy lamang ang pagluluksa habang di nakamit ang katarungan sa kanyang sinapit, -  nagpadala din ng mensahi at pahayag ang taga-suporta’t may adbokasiya sa karapatang pangtao mula sa bansang Neitherlands.

Magunitang si Ka Waldo ay binaril at napatay sa loob mismo ng kanilang tahanan, may humigit kumulang 75 na hakbang na layo lamang sa himpilan ng Pulisya sa Baranggay 3, Maria Aurora, Aurora na ikinagulantang ng lahat.

Sa Pagtatapos ng programa, ang pamilya ng napaslang sa pamamagitan ni “Bb Kaye” ay lubos na nagpapasalamat sa mga taga suporta at nanawagan muli sa sama-samang pagkilos upang makamit ang hinahanap na Katarungan at tukuyin at maparusahan ang mga salarin. (Arnel M. Turzar/Dickson Almeda)

Comments