Aurora nag-host ng ika-limang WaSAR Simulation Exercise sa Gitnang Luzon

Naging host ang lalawigan ng Aurora kamakailan sa ika-5 Water Search and Rescue (WaSAR) Simulation Exercise sa Gitnang Luzon na ginawa sa Sitio Tibag, Brgy. Sabang sa bayan ng Baler.

Mga rescue team ng local disaster risk reduction and management offices ng pitong lalawigan at 14 na siyudad sa rehiyon ang nagpamalas ng kanilang kakayahan sa WaSAR, mula sa pagliligtas ng mga ‘biktima’, tamang pagbibigay ng paunang lunas, at ang agarang pagtulong sa mga nangangailangan ng madaliang pagkalinga at pagdadala sa kanila sa pinakamalapit na pagamutan para sa agarang paggagamot.

Sinabi ni Office of Civil Defense Regional Director at Regional Disaster Risk Reduction and Management Council Chairperson Josefina Timoteo na ang layunin ng WaSAR sa taong ito ay upang bumuo ng tiwala sa sarili, determinasyon, pagtutulungan, at pakikipagkaibigan sa mga kasamahang rescue team na maaaring sa kalaunan ay makasama sa hinaharap na water search and rescue operation hindi lamang sa Region 3 kundi pati na rin sa ibang rehiyon na maaaring mangailangan ng tulong.

Ito din aniya ay upang subukan kung paano nila gagawin ang kanilang natutunan mula sa mga pagsasanay sa Incident Command System- na ngayon ay bagong protocol sa panahon ng pagtugon sa anumang mga kalamidad, dagdag ni Timoteo.

Pinasalamatan naman ni Aurora Governor Jerry Noveras ang mga panauhin at mga kalahok sa kanilang dedikasyon at tiniyak na ang kanilang rescue team ay laging handa upang tumulong sa kanilang mga kalapit lalawigan sa Gitnang Luzon.

Ang aktibidad ay nagsilbi bilang isa sa mga pangunahing mga gawain sa Gitnang Luzon na may kinalaman sa pagdiriwang ng 2013 National.

Disaster Consciousness Month (NDCM) na ginagabayan ng temang “Ligtas Na Bayan, Maunlad Na Pamayanan.” (PIA-Aurora)

Comments