Dalawang traysikel, nagsalpukan sa bayan ng Baler, isa rito karnap

Nagkarambola ang dalawang traysikel sa kahabaan ng Quezon Highway Corner ng Angara St., Baler, Aurora matapos na ito ay magsalpukan noong Sabado (Nov.23) ng gabi ganap na alas 9:00 hanggang alas 9:30. 

Sa tindi ng pag kakabangga nito sa isa pang kasalubong na traysikel ay pareho itong tumaob at tumilapon ang 6 na sakay ng green traysikel na may body number 0402  patungo sana sa Barangay Ditumabo, San Luis, Aurora na minamaneho ni Emerson dela Cruz, 23 taong gulang, binata at residente ng nasabing lugar. 

Nakilala naman ang 4 sa anim na sakay nito na sina Michael Lery, Aries Monteverde, Angelica at Justin Bernardo na kapwa mga estudyante ng Mt. Carmel College. 

Masuwerte naman na pawang pasa at galos lamang sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang tinamo ng mga ito sa tindi ng salpukan.

Samantalang agad namang tumakas ang driver ng isa pang black tricycle na may plate number 7985 ID matapos ang aksidente. 

Dahil dito, napag  alaman  na ang traysikel na ito ay kinarnap lamang ilang minuto matapos ang aksidente, kaya tinangka pa itong habulin ng may ari na kinilalang si Pastor Rolan Robles. Laking gulat na lamang umano niya ng makita ito na nakataob na sa kalsada, kaya’t agad silang nakipag ugnayan sa pulisya para ipaalam ang pangyayari.

Aniya, kinuha ito mismo sa tapat ng kanilang bahay sa Monrio Brgy. Buhangin habang kalakasan ang ulan. Inirekta umano ito kaya madaling natangay  papalayo sa kanilang lugar. 

Sa ngayon ay hindi pa malinaw kung sino ang suspek sa car napping ganun din sa aksidenteng kinasangkutan nito. Umaasa naman ang mga pulis at biktima na mahahanap din ito sa tulong narin ng mga CCTV ng mga establisimento malapit sa lugar na pinangyarihan ng aksidente. (Melanie Hugo/Arnel M. Turzar)

Comments