DTI-Aurora naglabas ng SRP sa mga produktong pang-noche Buena

Naglabas ang Department of Trade and Industry (DTI) sa Aurora ng listahan ng Suggested Retail Price (SRP) sa mga produktong pang Noche Buena ngayong paparating na kapaskuhan.

Sinabi ni Pacita Bandilla, ang Section Head ng Consumer Welfare and Business Regulation Unit ng DTI-Aurora, na hindi dapat patungan ng presyong malaki ang mga produktong ipinagbibili sa palengke katulad ng ham, mayonnaise, tomato sause, keso, pasta, at iba pang mga produkto. “Sundin dapat ang itinakdang halaga at presyo para sa mga pangunahing bilihin ngayong darating na kapaskuhan”, sabi pa ni Bandilla.

Ipinaalala pa ni Bandilla na suriing mabuti ng mga mamimili ang mga expiration date ng mga produkto o ang mga petsang nakasulat sa mga ito na ‘best before date’ at ang price tag ng mga produktong bibilhin nila upang matiyak na tama at hindi lampas sa mga halagang itinakda ng DTI-Aurora.

Idinagdag pa ni Bandilla na tingnan at suriing mabuti ang timbang ng mga bibilhing produkto upang maikumpara sa iba pang mga brand ng produkto.

Sa mga magrereklamo at katanungan, maaari aniyang makipag-ugnayan sa Market and Vendors Office na nasa pamilihang bayan ng Baler o sa Tanggapan ng DTI-Aurora na nasa tapat lamang ng Provincial Capitol upang agad na mabigyan ng pansin at aksiyon ang anumang problema ng mga mamimili. (Arnel M. Turzar & JSL/PIA-Aurora)

Comments