Boundary Dispute sa Barangay Sabang at Buhangin, SB Baler pumabor sa Sabang

Pinaburan ng mga miyembro ng Sangguniang Bayan ng Baler ang pananatili ng Sitio Buton bilang sakop ng Barangay Sabang.

Ito ang nagkakaisang desisyon na Pinagtibay ng naturang kapulungan sa kanilang regular na sesyon noong nakaraang buwan, kaugnay sa usapin ng Barangay Disputes sa pagitan ng Barangay Buhangin at Barangay Sabang.

Nag-ugat ang usapin ng naturang dalawang Barangay nang magsumite ang konseho  ng Barangay Buhangin sa Sangguniang Bayan ng Baler ng kanilang pinagtibay na kapasyahan Blg. 06-2013 na humihiling na maibalik ang Sitio Buton sa kanilang Barangay, dahil sinakop na umano ito ng Barangay Sabang.

Subalit base sa isinagawang pagdinig ng SB Committee on Boundary Dispute, lumilitaw na hindi supisyente ang mga iprenisintang dokumento ng magkabilang panig.

Kaugnay nito, nagrekomenda ang comite sa mga Barangay Opisyal ng Buhangin at Sabang na magsasagawa na lamang ang mga ito ng mapayapang pag-uusap upang maresulba ang naturang usapin.

Dahil dito, nagpasa ang SB ng Baler ng isang resolusyon na may Bilang 137 Serye ng taong 2013, na “ang Sitio Buton ay bahagi ng Barangay Sabang. (Rey S. Fernando)

Comments