Coco lumber, bawal na sa lalawigan ng Aurora - PCA

Ipagbabawal na sa buong bansa sa unang araw ng Disyembre taong 2013 ang negosyo sa pagbebenta ng puno ng  niyog para gawing coco lumber.

Ang kautusan any base sa Memorandum Circular No.5, Serye ng taong 2013 na ipinalabas ng Philippine Coconut Authority kung saan layunin nito ang pagpapatigil sa pag-iisyu ng permit sa pagpuputol ng puno ng niyog sa buong Bansa.

Ang moratorium sa issuance ng permit to cut coconut tree ay salig naman sa ipinalabas na PCA Board resolution No. 104 – serye ng 2013, layunin nito na mapanatili ang mataas na produksyon ng niyog sa bansa at ikalawa ay upang makatulong sa paglaban sa problema ng mundo ukol sa climate change.

Kaugnay nito ay nagpatawag na ng pagpupulong si G. Juan Milar Jr. Acting Sr. Agriculturist ng PCA-Aurora sa mga coconut trader’s at coco lumber dealer dito sa Aurora upang ipabatid  sa mga ito na epektibo noong December 01, 2013 ay hindi na sla mag-iisyu ng permit to cut at maging ang transport permit ay kanselado narin.

Sa panayam ng CMN News kay G. Milar ipinaliwanag nito na sinumang lalabag sa pinaiiral na moratorium  ay papatawan ng mga kaukulang parusa na 2 taon ngunit hindi lalagpas sa 5 na taong pagkakakulong at multang 100 libong piso, ngunit hindi lalagpas ng 500 libong piso.

Dagdag pa ni Milar, kapag opisyal o empleyado ng gobyerno ang lumabag, aplikable ang lahat ng nabanggit na penalty kasama na dito ang pagkakatanggal sa serbisyo. (Rey S. Fernando)

Comments