Ika-7 Kongreso ng JPAG-Aurora, idinaus na

Isinagawa kahapon ang ika-7 Kongreso ng Justice and Peace Action Group ng Aurora, na isinagawa sa barangay Sabang, Baler, Aurora at ito ay dinaluhan may 110 katao na lihitimong miyembro ng JPAG mula sa 10 chapter ng kanilang samahan sa boong Aurora.

Ang naturang kongreso ay nasa ilalim ng paksang “Tatlong Dekadang Pakikibaka ng JPAG-Aurora sa Pagtatanggol ng Karapatang Pantao: Ipagtanggol!

Ito ay naglalayong palakasin pa ang kakayanan ng JPAG para sa patuloy na pagtataguyod ng karapatang pantao at makibahagi sa mga pagkilos sa pagpapairal ng mabuting pamamahala sa mga pamayanan ng Aurora at sa Sambayanang Pilipino sa kabuoang.

Partikular na layunin nito ay upang mapaunlad pa ang kakayahan ng samahan para sa pagpapatuloy ng legal at para-legal na tulong ganoon din ang pagpapalaganap ng paggalang sa karapatang pantao. Pagpapalakas ng alyansa na kikilos tungo sa mabuting pamamahala para sa kagalingan ng mga taong bayan.

Bilang pakikiisa nagbigay naman ng pahayag suporta ang mga samahan ng Panlalawigang Alyansa ng mga Magsasaka sa Aurora o PAMANA, Alternatibong Kalusugan sa Pamayanan o AKAP at ang Bataris Formation Center.

Naging panauhing tagapagsalita naman si Pastor Betty Perado mula sa Karapatan Central Luzon, tinalakay niya ang kalalagayan ng karapatang pantao sa buong Central Luzon kasama na dito ang lalawigan ng Aurora mula sa mga nakaraang administrasyon hanggang sa kasalukuyang administrasyon ni Pangulong Benigno Aquino III. Madalas aniyang nayuyurakan ang karapatan sa lupa, panirahan at kabuhayan ng mga magsasaka, mangingisda at katutubo ng mga mayayamang angkan, korporasyon at mga development aggression project ng pamahalaan.

Sa huling bahagi ng programa, ang paghahalal at panunumpa ng bagong pamunuan ng samahan. Naihalal bilang Pangulo ng JPAG-Aurora si G. Eduardo Pujeda, ikalawang Pangulo naman sa DiBiCaDi si G. Willie Guianan at sa Valley-Ding naman ay si G. Bernardo Marino Sr. at ang General Secretary ay si Gng. Julieta Salvador.

Bilang bahagi parin ng Kongreso, ginawaran ng Plake ng pagkilala si G. Ismael Santiago bilang Chairman Emeritus ng JPAG-Aurora. Nagkaroon din ng tribute o pag-alala kina Romualdo “ka Waldo” Palispis at ka Willem Geertman, sila ang mga naging bahagi sa pagbubuo ng JPAG na pinaslang na pinaniniwalaang pulitika ang motibo. (Arnel M. Turzar)

Comments