Ilang opisyal sa tanggapan ng pampamilihang bayan ng Baler kasama ang supervisor, nagsagawa ng surprise visit sa mga nagtitinda



Nasorpresa ang mga nagtitinda sa Pampamilihang Bayan ng Baler matapos na magsagawa ng surprise visit ang supervisor ng Baler Public Market kasama ang ilang lokal na opisyal noong Lunes partikular sa mga vendors sa wet section area.

Ito ay matapos na makatanggap ng reklamo mula sa isang mamimili na di umanoy kulang sa timbang ang nabili nitong produkto. Dahil dito agad na nagsagawa ng kaukulang aksyon ang tanggapan. 

Sa panayam ng CMN News kay Ginoong Gilbert Serrano ng Baler public market office, base sa isinagawang pag inspeksyon ay napag alaman nga na halos karamihan sa mga kilohan dito ay may depekto na o intolerable. Kaya agad na pinaliwanagan ang mga nagtitinda at nakuha nga sa mga ito ang may dalawamput dalawang (22) mga depektibong kilohan. 

Samantala, binigyang pansin din ng mga ito ang mga kilohan na nakatago at hindi nakikita ng mga mamimili upang sa ganon ay agad na malaman kung sakto nga at walang daya ang kanilang mga produktong bibilihin.

Payo naman nila sa mga mamimili na tingnan mabuti ang kilohan ng pag bibilhan kung ito ba ay may seal o sticker sa tagiliran, palatandaan na ito ay na inspeksyon na. Para naman lubos na makasiguro, timbangin itong muli sa timbangan ng bayan na nakalagay din sa lugar. 

Dag-dag pa niya, bukas ang kanilang opisina para sa mga reklamo upang sa ganon ay agad nilang masolusyunan ang iba pang problema dito sa pamilihang bayan ng Baler. (Melanie Hugo)

Comments