Panahon na ng desisyon sa ating pagpapasya-kailangan ng kumilos at ang pagkilos ay ngayon na, pahayag ng Kaparian ng Valley-Ding, sa pagdiriwang ng ika-65 taong HR Day

Lubos ang pasasalamat ng mga Kaparian ng Valley-Ding sa lahat ng nakiisa at dumalo sa pagdiriwang ng ika-65 taong anibersaryo ng Pandaigdigang Karapatang Pantao sa bayan ng Baler, Aurora kahapon (Dec.10).

Ayon sa kanila, ang isyu ng pork barrel ay tila pinaghalong lindol at bagyo na yumanig sa Sambayanang Pilipino, lalo na sa mga nagbabayad ng buwis at mga nagigipit sa buhay. Ang mga tao na kung magbilang ng pera ay barya, ay nayanig sa kagahaman ng mga taong mayayaman na kung magbilang ng pera ay sa dolyar at euro, hindi barya kundi milyon. Ang masakit umano sa lahat ang perang kanilang binibilang ay pera ng mga nagbibilang ng barya, ang mga magsasaka, mangingisda at mga karaniwang mamamayan na sumusunod sa pagbabayad ng buwis.

Napapanahon na anila ang panawagan na ibasura ang pork barrel. Hindi lamang ang PDAP kundi ang pork barrel system, ang paggamit ng pera para manatili sa puwesto maging ang DAP. Ang sestemang pork barrel na tumatagos hanggang sa election ng mga namumuno sa barangay. Ang sitemang pork barrel na ginagamit ng political dynasties sa loob ng maraming panahon at ngayon ay maari pang gamitin muli sa paghahanda sa election 2016.

Dagdag pa, paano kung ang pork man ay mawala, pero hindi ang baboy? Mula sa pinaka mataas hanggang sa mga barangay. Napakahalaga na alisin ang mga baboy (sorry sa mga hayop na baboy) alam ninyo kung sino ang ating tinutukoy. Dahil kapag nawala ang baboy, mawawala rin ang pork. Ang baboy ay nawawala lamang kung kikilos na ang mga mamamayan, ang mga Layko na may malasakit sa kapwa mahihirap, na naghahangad ng mas magandang kinabukasan para sa kanilang mga anak. Panahon na ng desisyon sa ating pagpapasya-kailangan ng kumilos at ang pagkilos ay ngayon na. ito ang pahayag ng mga Kaparian ng Valley-Ding. (Arnel M. Turzar)

Comments