Isang bata naglaro ng apoy, bahay muntik ng masunog

Mabilis na narespondehan ng mga Kagawad ng Pamatay Sunog ng Baler ang isang sunog na naganap sa isang bahay sa Sitio Kinalapan, Barangay Pingit, Baler, Aurora noong Sabado (Feb.8, 2014) dakong alas 5:35 ng hapon.

Agad namang naireport ng isang Concern Citizen sa himpilan ng Pamatay Sunog ng Baler ang naturang pangyayari dahil dito mabilis namang umaksyon ang mga miyembro ng Baler BFP, sa pangunguna ni SFO1 Randy Ledmar Tubera, kasama sina FO2 Dexter Reyes, FO3 Noelito Duaso, FO3 Ardinio Avellaneda, FO2 Janice Ruizan, FO1 Francisco Lumasac at FO1 May Renato, at sa loob ng tatlong minuto ay idiniklarang Fired Out ang naturang sunog.

Personal namang tinungo at pinaimbestigahan nina Prov’l Fire Marshal Inspector Bryan Poquiao at Municipal Fire Marshal SFO2 Freddie Delos Trinos ang dahilan ng sunog.

Sa isinagawang imbestigasyon napag-alam na itoy nagmula sa naglalaro ng luto-lutuan ng isang batang 5 taon gulang, natalsikan umano ng apoy ang isang lona na nakatakip sa ding-ding na sawali ng bahay kayat mabilis ang apoy.

Tanging isang durabox lamang at ang gamit na nakalagay dito ang nasunog.

Ayon naman kay Gng. Pelejo, mabuti na lamang aniya at hindi inabot ng apoy ang sako sakong uling na nakatambak sa gilid ng katabing bahay, mas malaking sunog umano kung ito ang natalsikan ng apoy.

Sa panayam ng CMN News kay PO3 Reyes, tatlong sunog na ang kanilang narespondehan sa unang linggo ng buwan ng Pebrero.

Kayat payo nito sa lahat na mag-ingat para maiwasan ang sunog. (Ray S. Fernando)

Comments