Mabahong babauyan sa Barangay Zabali-Baler, masusolusyunan na?

Hinihintay na lamang ang rekomendasyon ng Sanitary ng Municipal of Baler kung ipag-papatuloy pa ang pagbababuyan ni Kagawad Manuel “Dongdong” Sanchez sa Purok 3, Barangay Zabali, Baler, Aurora o tuluyan na itong ipapasara dahil sa reklamo ng ilang apektadong residente sa lugar.

Ang rekomendasyon ay ibabase sa isinagawang inspeksyon kasabay ng pag-haharap ng magkabilang panig, Sanitary at mga opisyal ng Barangay noong Sabado.

Umaasa naman ang mga nagrereklamo na malulutas at mabibigyan ng solusyon ang kanilang suliranin.

Ayon pa sa kanila, bukod sa mabahong amoy na nakakaapekto sa kalusugan ng tao, maingay pa ang mga alagang baboy at sinasabayan pa ito ng malakas na kwentohan at kantahan hanggang hating gabi na nakakabulahaw lalo na sa mga bata.

Wala rin umanong maayos na tapunan ng dumi ang kulungan at sa ilog ito umaagos na sa tuwing tumataas ang tubig sa ilog mula sa dagat, inanod ito patungo sa karagatan sa barangay Sabang, Baler, Aurora. (Arnel M. Turzar)

Comments