Anibersaryo ng Martial Law, sama-samag ginunita sa Aurora ng iba’t ibang grupo.



Never Again to Martial Law, ito ang nagkakaisang sigaw ng may 200 katao na nakiisa sa isinagawang Caravan sa Central Aurora kahapon (Sept.21, 2014) bilang paggunita sa ika-42 anibersaryo ng Martial Law sa ilalim ng proclamation 1081 sa panahon no dating Pang. Ferdinand Marcos noong 1972.

Nagsimula ang Caravan dakong ika-8:30 ng umaga sa bayan ng Dipaculao patungo sa bayan ng Baler, San Luis at Maria Aurora na umabot ng halos 4 na oras na paglalakbay gamit ang iba’t ibang uri ng sasakayan na may mga nakakabit na streamer at epegy ni PNoy at ni dating AFP Major Gen. Jovito Palparan.

Ganap na ika-1:30 ng hapon muling nagsimula naman ang ikalawang bahagi ng kanilang programa sa pamamagitan ng open forum  sa covered court ng Maria Aurora.

Dito tinalakay ang Pambansang kalalagayan, ayon kay Eduardo Pujeda ng Justice and Peace Action Group ng Aurora (JPAG), bagamat aniya hindi na panahon ngayon ng Martial Law subalit tila umiiral pa rin ito dahil sa patuloy na pamamaslang, pagdukot, panlilinlang at pananakot sa mga kasapi at leader ng mga progresibong grupo saan man sa buong bansa. Tinalakay din ni Pujeda ang negatibong idudulot ng EDCA sa Bansa o Enhance Defense Cooperation Agreement na pinirmahan ni US Pres. Barac Obama at ni Pang. Aquino kamakailan lamang.

Nagkaroon din ng pagkilala at testemonya sa mga leader ng organisasyon na dinukot at pinaslang dito sa lalawigan ng Aurora kagaya nina Joey Estreber, Waldo Palispis, Willem Geertman, Catalino Imperial, Joseph Mendez at marami pang iba.

Nagbigay din ng pahayag suporta ang mga samahan na dumalo at mga Parokya sa Central Aurora.

Nakiisa at nagbigay din ng kanilang pahayag suporta sina Municipal Mayor Amado Geneta at Kon. Katriz Mae Palispis ng Maria Aurora. Ayon kay Geneta nais niya na mapanatili ang peace and order sa bayan na kanyang nasasakupan.

Ang paggunita ay pinangunahan ng Multi-Sectoral Action Group ng Aurora (MSAG) sa ilalim ng temang “Sama-samang kumilos, papanagutin ang estado sa kanyang paglabag sa karapatang pantao”.

Kasabay ng programa pumirma ang lahat ng dumalo sa isang petition letter na nagsasaad ng pagbuwag sa Pork Barrel.

Sa huling bahagi na sana ay susunugin ang epegy ni PNoy at Palparan subalit hindi na ito isinagawa dahil sa pagsunod at paggalang sa umiiral na batas pambansa ang pagbabawal magsunog ng kahit anong uri ng material na nakakasira sa Kalikasan. (Arnel M. Turzar)

Comments