Pananakot at Panlilinlang ng APECO sa mga petisyoner, sinagot ng PILC



Pinabulaanan ng Public Interest Law Center (PILC) ang mga paninira at pananakot na ginagawa ng di umanoy mga nagpapakilalang tauhan ng Aurora Pacific Economic Zone and Freeport Authority (APECO) sa bayan ng Casiguran.

Sinasabi ng ilang mga petitioner laban sa APECO na may mga nagpapakilalang kinatawan ng APECO na naglilibot sa mga Barangay na sakop ng proyekto at nagpapakalat ng mapanlinlang na balita na may mga kasamahan umano ang mga petitioner na itinatanggi na sila ay pumirma sa sinumpaang salaysay na isinumite sa Korte Suprema bilang suporta sa petesyon.

Ito umano ay isang malaking kasinungalingan taliwas sa ipinahayag ng PILC sa pamamagitan ng isang bukas na liham noong magkaroon ng Primer Launching sa Bianoan, Casiguran, Aurora na pinamagatang “Kaunlaran para Kanino” noong nakaraang Sabado, ika-27 ng Setyembre 2014 na pinangungahan ng PILC at dinaluhan naman ng iba’t ibang samahan katulad ng JPAG, Bataris, AKAP at PAMANA, ganoon din ang PIGLAS-CA at mga anti-apeco mula sa hanay ng mga Magsasaka, Mangingisda at katutubo sa Casiguran na derektang apektado ng proyekto na umabot sa may 350 katao ang nakiisa sa programa.

Base sa liham, sinabi ng PILC na kahit minsan ay hindi umano kwinestyon ng APECO sa Korte Suprema ang katotohanan ng pagkatao ng mga residente ng Casiguran na nagsampa ng petisyon. Maging ang mga sinumpaang salaysay at mga pirma sa petisyon ay hindi naging usapin sa Korte Suprema, taliwas dito umano ang ipinapakalat na balita sa mga mamamayan doon para sila ay takutin.

Dagdag pa ng PILC na ang mga hakbang na ito ng pananakot ay despiradong mga hakbang sa harap ng patuloy at malakas na pagtutol ng mga mamamayan ng Casiguran laban sa APECO. (Arnel M. Turzar)

Comments