Tatlong bagong tourist destination sa bayan ng Maria Aurora, natagpuan.

Tatlong bagong destinasyong pang-turismo na naman ang natagpuan sa bayan ng Maria Aurora, Aurora na magsisilbing bagong atraksiyon para sa mga darayong turista dito sa lalawigan ng Aurora.

Ayon kay Ginoong Noel Dulay, tourism coordinator ng bayan ng Maria Aurora, tatlong water falls ang katatapos lamang nilang i-explore na nasa bahagi ng Brgy. Villa, Maria Aurora na sakop ng Aurora Memorial National Park.

Pinangalanan na nilang High Drop at Hubot falls ang dalawa sa mga ito upang magkaroon ng sariling pagkakakilanlan di gaya ng mga karaniwang talon na water falls ang karaniwan ding katawagan.

Dahil sa mga taglay na mala-paraisong yaman ng Maria Aurora, tinawag na ito ngayon bilang “Gateway to Paradise, Home of Natural Treasure” kung saan maraming potensiyal na gawing tourist attractions.



Ayon pa kay Dulay, binabalak nila katuwang ang Provincial Tourism Office na muling pasiglahin ang Aurora Memorial National Park at gisingin ang natutulog na potensiyal at sigla ng Barangay Villa na winasak ng matinding kalamidad sampung taon na ang nakakaraan. Layunin naman nito na sa pagsapit ng susunod na taon ay mabilang na sa regular na ruta ng mga turista ang lugar na ito na siyang naging simula ng pag-unlad na Aurora. (Ronaldo A. Ramos)

Comments