DIOCESE OF SAN JOSE, ANTI-APECO - Casiguran, Aurora

Nagpahayag ng suporta ang Social Action Director, Diocese of San Jose na si REV. FR. JOSIX TOLENTINO ng pakikiisa ng kapatiran ng mga mabubuting katiwala ng bayan para sa mga biktima ng Apeco sa Casiguran, Aurora.

Nakikita ani Fr. Tolentino ang paghihirap at pagsasakripisyo ng mga tao para sa katarungan upang magkaroon ng hustisya ang mga ipinakikipaglaban, kasama dito ang pangangalaga at pananatili ng ating likas yaman na nilikha ng Diyos.

Naisiwalat at nabunyag din ang katotohanang nangyayari sa namamayaning pananakot sa maraming karaniwang tao dahil sa paggamit ng kapangyarihan at dahas ng mga nasa likod ng proyektong Apeco, ayon pa kay Fr. Tolentino.

Wala umanong konsultasyon na nangyari para sa pagsasaalang-alang sa mga biktimang magsasaka, mangingisda at katutubo bago ilunsad ang nasabing proyekto, hindi anila makatarungan ang batas Apeco, dahil nilalabag nito ang Local Government Code, ang batas Katutubo, ang batas sa lupa, batas mangingisda maging ang mga batas pangkalikasan, batas laban sa pandarambong at batas laban sa korapsyon na taliwas sa pamamahalang matuwid na daan ni Pangulong Benigno Aquino III.

Kaisa sa sama-sama at demokratikong kilos ang simbahan sa panawagang itigil ang kawalang pakundangang pandarambong sa ating mga likas yaman na siyang dahilan ng paghihirap ng sambayanan.

Comments