TULAK NG SHABU, ARESTADO SA BAYAN NG BALER

Arestado ang isang tulak ng Shabu na tinaguriang reyna ng droga sa isinagawang buy-bust operation kahapon sa Ferreras St., Barangay Suklayin, Baler, Aurora.

Agad na inaresto ang suspek na kinilalang si Belen Delos Reyes, nasa hustong edad, matapos itong bentahan ng dalawang beses ng nasabing pinagbabawal na gamot ang mga otoridad nagpanggap na buyer.

Una umanong naganap ang bilihan dakong ika-8:00 ng umaga kung saan nakapagbenta pa ito ng halagang 500 piso, sa pangalawang pagkakataon ganap na ika-2:30 ng hapon ay nakapag benta ang suspek ng halagang 1,000 piso bago ito tuluyang nahuli.

Ayon kay Police Senior Superintendent Elmer Cruz Bantog, PNP Provincial Director ng Aurora, ang suspek ay matagal na nilang minamanmanan dahil sya umano ang suspek na pinanggagalingan ng ipinagbabawal na gamot sa Central Aurora, at siya rin umano ang tulak sa mga bayan ng Baler, Dipaculao, Maria Aurora at San Luis.

Nakumpiska sa suspek ang walong sachets ng droga at 700 pisong bill mark money gamit sa buy-bust operation.

Ang matagumpay na pagkakahuli sa reyna ng mga shabu ay sa pamamagitan ng Joint Effort ng Provincial Intelligence, Baler PNP, PDEA at Aurora Provincial Police Office. (George Balbero)

Comments