BFP NAGPALIWANAG SA NAGANAP NA SUNOG SA DIPACULAO, AURORA

Nagpaliwanag si SFO2 Angelito Serafines sa di umanoy mabagal na pagresponde ng kanilang team sa naganap na sunog sa lumang bahay sa North Poblacion, Dipaculao, Aurora hindi kalayuan sa tanggapan ng pamatay sunog sa nabanggit na Bayan.

Matatandaang noong Hulyo 8, 2013, dakong alas-9:30 ng gabi, nagsimulang masunog ang bahay na pagmamay-ari ni Ginang Nena Palaruan.

Ayon kay Serafines malakas na umano ang apoy bago naireport sa kanilang tanggapan ang naturang sunog at halos limang minuto lamang agad ding silang nakaresponde dito. 

Gawa umano sa kahoy at luma na ang ikalawang palapag ng bahay kaya mabilis na lumaki ang sunog. 

Ayon sa mga nakasaksi sa naturang sunog, mahina umano ang buga ng tubig ng Bumbero ng Dipaculao Fire Station na kanilang ginamit sa pagreponde kaya natupok ang bahay.

Aminado naman si Serafines na talagang mahina ang buga ng kanilang bumbero dahil sa umanoy ginagawa palang  ang naturang pamatay sunog, subalit ginawa naman daw nila ang lahat para apulahin ang apoy at humingi sila ng ayuda sa Fire Station  sa kalapit nitong Bayan ng Maria Aurora at San Luis. 

Nagmula ang sunog sa ikalawang palapag ng bahay dahil sa aksidenteng naitapon ng apong babae ni Ginang Palaruan ang sigarilyo na bumagsak sa kotson sa nagging sanhi ng pagkasunog ng bahay.

Samantala, ang tanggapan ng pamatay sunog sa Bayan ng Dipaculao, Aurora  patuloy sa isinasagawang pagpapaalala at kampanya laban sa mapaminsalang sunog.
 
Maliban sa mga pampubliko at pribadong tanggapan at istablisiyemento, nagsasagawa rin sila ng mga symposium sa mga paaralan para turuan ang mga kabataan sa pag-iwas sa mapaminsalang apoy o sunog. (Arnel M. Turzar)

Comments