KAWANI NG AURELCO, NABUNDOL NG AMBULANSYA, NAGTAMO NG MINOR INJURY SA KATAWAN

Nagtamo ng minor injury sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan ang isang lalaki makaraan ito’y mabundol ng Ambulansya sa Sitio Hiwalayan, San Luis, Aurora.

Ayon sa paunang imbestigasyon ng San Luis PNP, dakong alas-5:50 ng hapon noong Hulyo 13, 2013 magkasunod umano na binabagtas ang kahabaan ng lansangan ng  San Luis mula sa bayan ng Baler ng Motorsiklo na may plakang 9517 BR na minamaneho ng biktimang si Jonny Quinday, 56 taong gulang, kawani ng Aurelco at ng Ambulansya na may plakang SKL 447 na minamaneho naman ni John Avery Geneta, 26 na taong gulang ng Maria Aurora. Nang bigla umanong lumiko si Quinday sa kaliwang bahagi ng kalsada na hindi napansin ni Geneta kaya ito nabundol na siyang dahilan ng pagsemplang ng motorsiklong sinasakyan ni Quinday.

Nagtamo ng minor injury si Quinday na agad namang dinala sa Premiere General Hospital sa Barangay Suklayin, Baler, Aurora para lapatan ng karampatang lunas.

Ang naturang insidente ay patuloy pang iniimbistigahan ng San Luis PNP. (Arnel M. Turzar)

Comments