Illegal logging sa L-Pimentel, San Luis Aurora, siniyasat, may paglabag

Ipinag-utos noong lunes (Nov.18, 2013) ni San Luis Mayor Annabel Tangson sa mga tauhan ng San Luis Police Station ang isinasagawang pamumutol ng Gmilina sa pribadong bundok sa pag-aari ng isang Anselmo Bitangcor sa Barangay L-Pimentel, San Luis, Aurora.

Ang kautusan ay bunsod sa reklamo ng mga residente sa nabanggit na barangay kasama na ang pangamba na kung hindi mapipigil ang pagpuputol ng kahoy sa lugar ay maaari umanong gumuho ang naturang bundok sa ayon pa sa mga residente ay maaaring maging dahilan ng matinding pinsala sa kanilang ari-arian at buhay.

Dahil sa naturang reklamo inutusan ni Mayor Tangson ang San Luis PNP sa pangunguna ng kanilang Hepe na si P/SINS Dexter Thomson, mga tauhan ng PENRO kasama ang Multi-Sectoral Action Group o MSAG-Aurora, ay nagsagawa ng inspeksyon sa sinasabing plantasyon.

Layunin ng isinagawang inspeksyon ay upang alamin ng grupo kung natupad ba ni Gng. Joebel Molina ang binigyan ni G. Bitangcor ng karapatan na mamutol ng Gmilina sa naturang bundok.
Ang isinagawang inspeksyon ay base sa permit na ipinagkaloob ng DENR-Regional Office kay Gng. Molina na may Permit No. R-M-01-03-13-01.

Kung saan nakasaad sa naturang dokumento na 101 puno lamang ng Gmilina ang dapat putulin at ito ay may kabuoang 56.71 na cubic meter gross volume at 39-71 cubic meter net. Volume.

Nakasaad din sa naturang cutting permit na 30 araw lamang ang dapat na haba ng araw ng pagpuputol kung saan epektibo ito noong Sept.12, 2013.

Ngunit natuklasan ng inspeksyon team, na umabot sa 289 na Gmilina ang tinistis ng mga tauhan ni Gng. Molina, maliban pa sa 2 puno ng Narra, 25 puno ng Mahogany, 1 puno ng mangachapoy, 1 puno ng bagtikan at 1 puno ang Akacia ang kanilang itinumba at tinistis.

Napag-alaman pang nilabag din ni Gng. Molina ang alituntuning hindi puputulin ang alin mang puno malapit sa tabing ilog at sapa, dahil lumilitaw sa imbestigasyon na halos lahat ng puno na malapit sa ilang metro lamang sa sapa ay pinutol din.

Ayon parin sa sulat kamay ni Gng. Joebel Molina na inilakip nito sa requirement sa DENR, malinaw na kanyang ipinangako ang mga puno malapit sa ilog ay pawang pinutol.

Samantala, kasama rin sa inerereklamo ng mga residente ng L-Pimentel ay ang kanilang kapitan na si Kapitan Elapio Amatorio, na nagbigay ng pahintulot kay Gng. Molina na ayon sa mga residente at sa Barangay Kagawad ay hindi man lang nito kinunsulta ang kanyang ka barangay sa naturang aktibidad, kumita lamang ay hindi na umano inalala ni Amatorio ang kapakanan ng kanyang ka barangay.

Nasaksihan naman ng grupo na nag inspeksyon na napakaraming sanga at islab na nagtambak sa loob mismo ng sapa, na nakakasagabal sa malayang daloy ng tubig.

Ito ang pinangangambahan ng mga residente ng L-Pimentel na maaaring pagmulan ng Flush Flood sa kanilang barangay.

Kaugnay nito ay sinisisi rin ang ginawang illegal na pagputol sa mga Mahogany, Narra, Bagtikan at Mangachapoy sa tauhan ng CENRO-San Luis Sub Station na si G. Diomedes Llaet na representante ng naturang ahensya, upang bantayan ang isinagawang aktibidad, subalit sa kabila nito ay nabigo siyang sawayin ang mga ito na naging daan upang maging ang mga puno na hindi na sakop ng permit ay kasama sa mga tinistis.

Labis naman ang naging galit ni San Luis Mayor Annabel Tangson sa mga tauhan ng DENR dahil hindi man lang umano ito inabisuhan sa isasagawang Tree Cutting Activity, gayong nakasaad sa No. 3 ng cutting permit na walang gagawing pagpuputol ng kahoy kung walang presensya ng kinatawan ng Local na Pamahalaan.

Nakatakda namang sampahan ng kaso ang mga sangkot sa illegal na pamumutol ng naturang puno. (Rey S. Fernando)

Comments