Katarungan para kay ka “DODONG”, itong ang sigaw ng kanyang mga kaanak at ng JPAG - Dingalan, Aurora.

Patay ang isang aktibong miyembro ng JPAG-Dingalan Chapter makaraang ito ay pagbabarilin ng hindi pa nakikilang gunman noong ika-29 ng Disyembre, 2013 sa loob ng kanilang tahanan sa Barangay Butas na Bato, Dingalan, Aurora.

Base sa paunang imbestigasyon ng Dingalan Police Station sa pangunguna ni SPO1 Wilfredo Basbas sa ilalim ng pamamahala ni P/SINS Alexander V. Pranada, dakong ika-8:00 ng gabi noong linggo nang maganap ang pamamaril sa biktima na kinilalang si Virgilio Bermiho y Obles, 49 taong gulang, binata at residente sa naturang barangay.

Agad isinugod sa Dingalan Community Hospital ang biktima subalit idiniklara ng Attending Physician ng pagamutan na Dead on Arrival (DOA) si Bermiho dahil sa natamo nitong dalawang (2) tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan na siyang agad nitong kinamatay.

Narekober sa pinangyarihan ng pamamaril ang anim (6) basyo ng bala ng Caliber 45 Pistol. 

Ayon naman sa ilang miyembro ng JPAG na kasamahan ng biktima, posibleng usapin sa lupa na dinidinig sa Barangay ang hinihinalang motibo ng pamamaslang kay ka Dodong, isa umanong Engineer ang katunggali nito sa kanyang inuukupang lupa.

Si ka Virgilio “Dodong" Bermiho, ay aktibong miyembro ng Justice and Peace Action Group sa Dingalan Chapter na nakikipaglaban sa kanyang karapatan sa kanyang lupa at mga pananim.

Katarungan para kay ka Virgilio “Dodong Bermiho ang sigaw ngayon ng kanyang mga kaanak at ng kayang mga kasamahan sa JPAG. (Arnel M. Turzar/Marlon Padua/Eduardo Pujeda)

Comments