Pagdukot sa Human Rights Advocate, Joey Estreber, ika-8 taon na sa Lunes

Gugunitain ng simple ang ika-8 taong pagkawala ni Joey Estreber sa darating na Lunes, ika-3 ng Marso, 2014, ng kanyang mga kasamahan sa Bataris Formation Center at ilang mga miyembro ng Multi-Sectoral Action Group of Aurora at iba pang mga samahan na naging katuwang nito sa paglilingkod sa pamayanan bilang Human Rights Advocate at pagkontra nito sa mga proyekto ng pamahalaan na hindi naman ang taong bayan ang makikinabang.

Matatandaan si Estreber ay dinukot ng mga kalalakihan na hindi nakilala lulan ng isang Van na walang plate number sa panulukan ng San Luis St. at Burgos St. noong ika-3 ng Marso 2006 dakong ala-6 ng hapon.

Si Estreber ay Staff ng Bataris Formation Center, miyembro ng MSAG, at may programang pinamagatang “Pag-usapan Natin” sa himpilan ng DZJO 101.7 Spirit FM Baler, tuwing Sabado ng umaga at kasapi ng iba pang samahan sa lalawigan ng Aurora noong panahon na siya ay dukutin ng mga pinaghihinalaang miyembro ng intelligence group ng Phil. Army na naka-base sa Aurora noong panahon ni Major Gen. Jovito Palparan na ngayon ay tinutugis ng batas dahil sa Human Rights Violation.

Ang taunang paggunita sa pagkawala ni Estreber ay bilang pag-ala-ala at pagpapahalaga sa kabayanihang ginawa nito sa pagtatangol sa karapatang pantao at Kalikasan.

Ganap na ika-3 ng hapon sa Lunes tutungo ang mga kasamahan nito upang mag-aalay ng Panalangin at magtirik ng kandila sa lugar na pinangyarihan. (Arnel M. Turzar)

Comments