Ipinanawagan ng National Commission on
Indigenous Peoples o NCIP sa mga katutubo sa Nueva Ecija na iwasan ang
panghihikayat ng New People’s Army o NPA.
Ayon kay NCIP Provincial Officer Dr.
Donato Bumacas, walang maidudulot na mabuti at tiyak na gagamitin lamang ang
mga katutubo sa pagdaragdag pwersa ng mga grupong nakikipaglaban sa gobyerno.
Aniya, sila ang target na maakay dahil
sa kanilang pamumuhay na malayo sa kabihasnan lalo ang mga naninirahan sa
kabundukan.
Naninindigan din si Bumacas na sa Nueva
Ecija ay walang katutubong miyembro ng NPA bagkus ay mayroong kahirapan sa
kanilang pamumuhay.
Hindi aniya militarisasyon ang
nakikitang solusyon kundi ang pagpapadaloy ng mga programa at proyektong
tutugon sa pag-unlad ng sektor.
Ipinaunawa din ni Bumacas sa mga
dumalong pinuno ng Domaget sa lalawigan na aagapay at magtutulungan ang iba’t
ibang sangay ng pamahalaan upang mabigyang solusyon ang problemang kahirapan at
usaping rebelyon sa bansa.
Kasama rito ang NCIP na sumusubaybay at
nagbibigay proteksyon sa kapakanan ng mga katutubo.
Kaniyang payo lamang sa mga kapwa
katutubo ay huwag makikinig sa iba, tanging pakinggan ang gobyernong may
malasakit sa pamumuhay ng bawat katutubo. (CLJD/CCN-PIA 3)
Comments
Post a Comment