CARPER, walang silbi
sa magsasakang apektado ng APECO ito ang pahayag ng
Panlalawigang Alyansa ng Magbubukid ng Aurora, Inc (Pamana), Alyansa ng mga
Magbubukid sa Gitnang Luson (Amgl) at Anakpawis Partylist- Gitnang Luzon.
Ayon sa kanila, ang programang ito ay walang silbi sa mga magsasakang apektado ng Republic Act 10083 o Aurora Pacific Economic Zone and Freeport Act (APECO) sa mga bayan ng Casiguran, Dinalungan at Dilasag, sa probinsya ng Aurora.
Samantalang ayon pa sa grupo ang APECO ay instrumento ito ng pamilyang Angara upang kamkamin ang mahigit 13,000 ektarya sa hilagang Aurora, ang CARPer naman ay nagsisilbing instrumento ng mga malalaking panginoong maylupa upang panatilihin ang kontrol sa malalawak na lupa at balewalain ang karapatan ng maraming magsasaka.
Sa kawalang silbi ang CARP sa mga magsasaka, ang APECO ay kasalukuyang nagpapalayas sa mga magsasaka, katutubo at mangingisda sa mga naturang bayan. Bilang bahagi ng panawagang pagbasura sa CARPer at APECO, maglulunsad ng pagkilos ang Pamana sa bayan ng Maria Aurora sa probinsya ng Aurora, gayundin ang Amgl sa Angeles City, Pampanga darating na Hunyo 9 hanggang 10, 2013. Ito ay dadaluhan ng mga magsasaka mula sa iba’t ibang probinsya at susuportahan ng iba’t ibang sektor.
Ayon sa mga grupo, nagpapatuloy ang konstruksyon ng mga bahagi ng programang APECO na sumasagasa sa karapatan ng mga magsasaka sa lupa. Ang administration building ng APECO sa Brgy. Esteves ay itinayo sa lupang inagaw sa magsasaka. Ang mga magsasaka sa tinuturing na “rice granary” ng hilagang Aurora sa Brgy. Esteves at Dibet ay nagpetisyon nang mapasakanila ang lupa mula pa noong dekada 60 sa Bureau of Lands pero walang nangyari hanggang sa ngayon ay inabutan na ng pagsasabatas ng APECO. Ang ilan namang may hawak ng original certificate of title ay pinapalayas din mismo.
Ayon sa Pamana, mula nang isabatas ang CARP noong 1988, hindi nito pinaboran ang mga kahilingan ng mga magsasaka sa Casiguran. Iilan lamang ang naisyuhan mga certificate of land ownership award (CLOA) na ngayon ay nanganganib na makansela dahil sa pagsasabatas ng APECO.
Ang APECO ay bahagi ng mas masaklaw na Aurora Medium Term Development Plan na nakapaloob sa proyektong North Luzon Urban Beltway na magbibigay daan sa mga lokal at dayuhang mamumuhunan para huthutin ang mayamang likas na yaman ng Aurora. (Arnel M. Turzar)
Comments
Post a Comment