DEMOLITION TEAM NG SHERIFF HINDI NAPIGILAN - Baler, Aurora

Hindi na nagawang pigilan pa ng pamilyang Virrey ang demolition team ng Sheriff na gibain ang bahay at pinutol ang 120 pirasong puno ng niyog at iba pang halaman, sa Sitio Virrey, Barangay Pingit, Baler, Aurora, kahapon (Hunyo 28).

Sa Bisa ng Writ of Demolition, Civil Case No. 772, matagumpay na binaklas ng Sheriff-Aurora ang bahay ni Ginang Merriam Virrey.

Bagamat nagkaroon ng tensiyon sa pagitan ng pamilya Virrey at demolition team, agad namang itong napahupa ng Baler at Provincial PNP.

Matatandaang noong Hunyo 20 sinubukan ng demolition team na ihain ang utos ng korte, subalit pinigilan ito ng pamilya Virrey at ng mga tagasuporta na nagbarikada mula sa grupo ng Panlalawigang Alyansa ng Magbubukid sa Aurora o PAMANA at Justice and Peace Action Group of Aurora o JPAG.

Nagsimula ang demolition dakong alas-otso ng umaga at natapos ala-una ng hapon.

Ayon sa Sheriff, December 10, 2012 pa dapat umano isasagawa ang pagbabaklas, subalit naantala dahil sa umanoy dinidinig pa sa korte ang usapin sa pagitan ng sinasabi na diumanoy may-ari ng lupa na si Violeta at Alejandro Erog-Erog vs. Merriam Verrey. 

Nakiusap  ang pamilyang Virrey na ipagpaliban ang demolition dahil wala pa umano silang malilipatan, masakit man umano para sa kanila ang nangyari subalit wala umano silang magawa kundi sundin ang utos ng korte. (Arnel M. Turzar)

Comments