TUMAAS ANG BILANG NG SUSPEKTED SA KASO NG DENGUE SA AURORA

Nadagdagan nanaman ang bilang ng suspekted na kaso ng Dengue sa lalawigan ng Aurora partikular sa Bayan ng Baler na nagkapagtala ng 54 na kaso ngyong Buwan ng Hunyo 2013.

Sa talaan ng Provincial Health Office, 20 na ang naitalang kaso sa Barangay Pingit mula Hunyo 1 hanggang Hunyo 18; 15 sa Suklayin; 4 sa Buhangin; 4 sa Reserva; 2 sa Sabang; 2 sa Zabali; 3 sa Calabuanan; 2 sa Barangay 01; 1 sa Barangay 05; at 1 sa Barangay 03.

Umabot na sa 125 ang naitalang kaso sa buong lalawigan mula noong Enero hanggang sa kasalukuyang Buwan ng Hunyo 2013.

Nakakabahala na umano ang paglobo ng ganitong kaso sa lalawigan dahil mataas na ito kumpara sa nagdaang taong 2012 sa kaparehas na panahon.

Subalit nanawagan si Provincial Health Officer ng Aurora Dr. Luisito Teh,   sa mga tiga Aurora na maglinis ng kapaligiran at huwag nang hintayin na masama sa mga nagkaroon ng Dengue, mahalaga aniya na maputol ang cycle ng lamok para hindi na ito dumami.

Ang mahalaga ani Teh ay maputol ang cycle ng lamok na nagdadala ng sakit at mapuputol lamang diumano ito kung maaalis ang itlugan ng mga salot na insekto.

Hindi rin iminungkahi ng mangagamot ang paggamit ng fogging machine dahil hindi raw naman nakaipon sa isang lugar ang pinanggalingan ng mga pasyente at last resort lamang diumano ang paggamit nito.

Ayon kay Rogelio Baturi, Dengue Coordinator sa Provincial Epidemiology Surveillance Unit ng DOH, ang 125 na bilang ng mga suspected dengue cases na naitala ngayong taon ay nagbuhat sa mga Bayan ng San Luis, Ma. Aurora, Dipaculao, Dinalungan, Dingalan at pinakamarami ay sa Bayan ng Baler partikular sa Barangay Pingit at Suklayin .

Sa paglobo ng kaso ng Dengue sa Aurora, patuloy ang panawagan at kampanya ng mga otoridad sa kalusugan upang ipaalam ang mga paraan para maiwasan ang Dengue H-Fever gaya ng pag-aalis sa anumang bagay na maaaring pag-ipunan ng tubig at pamugaran ng mga lamok sa loob at labas ng bahay, paglalagay ng takip sa mga pinaglalagyan ng tubig upang maiwasan ang pagpasok at pangingitlog dito ng mga lamok, regular na paglilinis ng mga alulod ng bahay, paggamit ng kulambo o insect repellant at iba pa. (Arnel M. Turzar)

Comments