DALAWANG MAGKAKAHIWALAY NA VEHICULAR ACCIDENT, NAGANAP SA BALER

Magkasunod na aksidente na kinasangkutan ng motorsiklo ang naganap noong Luns sa bahagi ng Sitio Tabing Ilog sa Barangay Reserva, Baler, Aurora.

Ang mga biktima ay nakilalang sina Renato Cortez, 37 taong gulang, residente ng San Vicente, Tarlac City, at Rogelio Corpus, 40 taong gulang  residente ng Purok 04, Barangay Ipil, Dipaculao, Aurora.

Ayon sa panayam ng CMN News sa mga biktima, pauwi na umano si Cortez sa tinutuluyan nitong bahay sa Bayan ng Baler, at habang tinatahak nito ang Pambansang Lansangan sa lugar na kung saan naganap ang aksidente, nang bigla umanong sumemplang  ang  sinasakyan nitong Honda 155 na ang dahilan ay ang hindi pantay na kalsada na iniispalto ng DPWH.

Nagtamo si Cortez ng bugbug sa katawan at tuhod  at kasalukuyang naka-confined sa Aurora Memorial Hospital. 

Makaraan ang ilang minuto sumemplang din si Rogelio Corpus  sakay ng kanyang Susuki  Smash na kulay pula, ang dahilan ay ang hindi rin pantay na kalsada na iniispalto ng mga tauhan ng DPWH.

Ayon sa reklamo ng dalawa, wala anilang  ano mang palatandaan na inilagay sa ginagawang kalsada at hindi rin anila ipinaalala sa mga komyuters  o motorista na hindi pantay ang kalsada na siyang dahilan ng kanilang pagsemplang. (Rey S. Fernando)

Comments