Ika-41 taong ng Martial Law, ginunita sa Aurora

Never again to martial law, ito ang sigaw ng may 200 katao sa isinagawang Caravan ng iba’t-ibang sektor at organisasyon mula sa Gitnang Aurora sa pangunguna ng Multi-Sectoral Action Group ng Aurora (MSAG-Aurora) noong nakaraang Sabado, September 21, 2013 bilang paggunita at pagkondena sa ika-41 taon mula nang ipataw ni Ferdinand Marcos ang Batas Militar noong Setyembre 21, 1972.

Ang Caravan ay nagmula sa Bayan ng San Luis at tumungo sa Bayan ng Baler, Dipaculao at Maria Aurora na may temang “Sama-samang pagkilos laban sa paglabag ng Estado sa karapatan ng mamamayan sa politika at kabuhayan”.

Ayon sa grupo, apatnapu’t isang taon na ang nakalipas matapos na ipatupad ni Ferdinand Marcos ang Batas Militar sa ating bansa ngunit hanggang sa ngayon ay hindi pa rin nabibigyan ng katarungan ang libu-libong biktima ng paglabag sa karapatang pantao dulot nito.

Anila, walang pinag-iba ang administrasyon ni Aquino kay Marcos, isang gobyernong punong-puno ng paglabag sa karapatang pantao, korupsyon, katiwalian at pandarambong.

Tampok sa Caravan ang panawagan na katarungan para kina Waldo Palispis, Willem Geertman, Joey Estriber at iba pang mga biktima ng paglabad sa karapatang pantao at papanagutin ang mga may sala katulad umano ni General Palparan.

Kasabay nito, nanawagan din ang grupo nang tuluyang pagbasura na sa lahat ng pork barrel mula kongreso, senado at maging ang presidensyal pork.

Ayon pa sa mga ito, dapat magkaisa ang mamamayan sa paglaban sa katiwalian habang nagdarahop at halos magpakamatay na sa paghahanapbuhay ay nilulustay lamang ng gubyerno ang kabang bayan ng mamamayan at pagsikil sa mga karapatan kapag umaalma ang mamamayan. (Arnel M. Turzar)

Comments