Kulong at multa, sa mga magsasamantala ng presyo sa DiCaDi

Nagbabala ang Department of Trade and Industry (DTI)  sa mga negosyanteng magsasamantala ng taas presyo sa mga lugar na nasa ilalim ng State of Calamity particular sa DiCaDi Area ng Aurora na may ipinatutupad na price freeze. 

Tiniyak ni DTI Provincial Director Edna Diaz na magmumulta ang mga magsasamantala ng hanggang sa isang milyong piso at/o pagkakakulong ng isa hanggang limang taon.

Sakali namang hoarding ang kaso, maaaring magmulta ng hanggang dalawang milyong piso at/o pagkakakulong ng lima hanggang labing limang taon ang mga lalabag.

Ang mga pagbabago sa presyo ay dapat aprubahan ng National Price Coordinating Council o ng Pangulo at dapat ilathala ito sa mga diyaryong may pambansang sirkulasyon.

Binanggit din ni Diaz na maari namang magpatupad ng adjustment ang lokal na pamahalaan at DTI provincial office para sa dagdag na operational costs o nagastos sa pagdadala ng produkto sa pamilihan. (Arnel M. Turzar)

Comments