MCC Baler - Linggo ng Malayang Sining, makasaysayan at masayang pinagdiwang

Makasaysayan at masayang pinagdiwang ang “Linggo ng Malayang Sining” ng paaralang Mount Carmel College Baler, Aurora noong nakaraang linggo (August 28-31) sa nasabing paaralan.

Sa pagtatapos ng apat na araw na pagdiriwang, tinanghal bilang Mutyang Etniko ng Malayang Sining si Miss Camille Villanueva, 2nd Year, bilang bahagi at tradisyon ng departamento sa pagdiriwang na ang Kulturang Pilipino ang naging “focus” ng paligsahan. Bilang kinagawian, ang itinanghal na Mutya ang siyang magiging ambassadress ng kursong AB sa katauhan ni Miss Villanueva. 

Nagsagawa rin ang mga ito ng “Community Service” bilang handog ng AB at pagtalima na rin sa panawagan ng bayan ng Baler hinggil sa usapin ng pagpapanatili ng kalinisan ng komunidad.

Nauna dito ay nagsagawa rin sila ng “Gabi ng Kalinangan” na kung saan sinalamin nito ang buhay na pinagdaanan ng mga Pilipino. Ito ay nagsilbing pag-ala-ala sa ating pinagmulan gamit ang iba’t ibang makukulay na kasuotan, sayaw, awit, drama at iba pang talento na hango sa kasaysayan.

Sinabi ni Mr. Mariano “Nano” Quiňones, Dean ng Departamento ng Malayang Sining, marapat lamang aniya na sulyapan, balikan at gunitain ang kulturang kinagisnan ng mga Pilipino. (Arnel M. Turzar)

Comments