Price freeze, patuloy na ipinatutupad sa DICADI Area ng Aurora

Patuloy na ipinatutupad ng Department of Trade and Industry (DTI) ang price freeze sa mga pangunahing bilihin sa DICADI Area ng Aurora na isinailalim sa state of calamity matapos masalanta ng bagyong Labuyo noong nakaraang buwan.

Ang DICADI ay binubuo ng mga bayan ng Dinalungan, Casiguran at Dilasag.

Sinabi ni DTI Provincial Director Edna Diaz na batay sa Section 6 ng RA 7581 o mas kilala sa tawag na Price Act, automatic price control ay ipinatutupad sa ilalim ng state of calamity upang maiwasan ang kaguluhan na dulot ng overpricing ng mga batayang produkto gaya ng gatas, de-lata, kape, bareta, sabon, kandila, tinapay at asin tuwing may kalamidad.

Dapat umanong nakapako ang presyo ng mga pangunahing bilihin sa mga nabanggit na lugar, maliban sa mga agricultural products, bago pa ang kalamidad.

Dagdag pa ni Diaz na maaring tumagal ng hanggang sa 60 araw ang price freeze simula sa deklarasyon ng state of calamity maliban na lamang kung tatanggalin ito ng Sangguniang Panlalawigan/Panglungsod/Bayan o ng Pangulo ng Republika ng Pilipinas. (Arnel M. Turzar)

Comments