Walang habas na operasyon ng pamumutol ng kahoy, natuklasan sa Diguisit

Tumambad kamakailan sa grupo ng The Noble Blue Falcon International (NBFI) Aurora chapter ang walang habas na operasyon ng pamumutol ng punong kahoy sa kabundukang sakop ng Sitio Diguisit, Baler, Aurora.

Sa impormasyong ibinaabot ng NBFI Aurora chapter sa CMN News, nagkataon umanong nagtungo ang kanilang grupo sa lugar ng di kalayuan nakarinig sila ng tunog ng Chainsaw at kanila itong tinungo kung saan nanggagaling ang tunog hanggan sa matagpuan nila ang mga putol na kahoy na tinatayang nasa humigit kulang 100 metro lamang ang layo nito mula sa Diguisit Falls.

Agad naman umano nila itong ipinaalam sa tanggapan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na nakakasakop sa lugar, ganoon din sa 56th Infantry Battalion na nakabase sa Bayan ng Baler. 

Idinagdag pa ng grupo, na sa kanilang tantsa ay gagawing uling ang mga ginayat gayat na kahoy at ang ilan naman ay ginawang tabla at dos for dos na nakatakda nang ibaba mula sa kinaroroonan nito. 

Ayon pa sa grupo, wala umano silang nakilala sa mga ilegalista sapagkat nang sila umano ay natanawan agad na nagsitakbuhan ang mga ito. (Arnel M. Turzar)

Comments