NUEVA ECIJA PTF-ELCAC, NAGSAGAWA NG KAUNA-UNAHANG PAGPUPULONG ni Camille C. Nagaño


Pinangasiwaan mismo ni Gobernador Aurelio Umali ang kauna-unahang pagpupulong ng Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict o PTF-ELCAC ng Nueva Ecija.

Ayon kay Umali, tututukan ng binuong task force ang pagsusulong ng mga programang reresolba sa usaping rebelyon sa lalawigan. 

Sa pamamagitan nito aniya ay nilalayong matigil ang panghihikayat ng mga rebeldeng grupo sa mga inosenteng mamamayan lalo sa mga kabataan. 

Dito ay ipinahayag ng gobernador ang buong suporta sa task force at nanawagan sa mga nasasakupang lokalidad na bumuo din ng kagayang konseho sa mga siyudad, munisipyo at maging sa mga barangay. 

Dumalo sa naturang pagpupulong ang mga kinatawan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan gaya ng Philippine Army, Nueva Ecija Police Provincial Office, Department of the Interior and Local Government, Technical Education and Skills Development Authority, at mga departamento ng pamahalaang panlalawigan.

Pahayag naman ni 7th Infantry Division Commander Major General Lenard Agustin, mahalaga ang gampanin at suporta ng mga lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng Executive Order No. 70 na pirmado ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang solusyon ng pamahalaan sa isyung terorismo sa bansa.

Itong whole-of-nation approach aniya ang ipatutupad hanggang sa mapasuko ang lahat ng mga kalaban at pumanig sa gobyerno tungo sa nag-iisang layuning magkaroon ng mapayapa at maunlad na pamumuhay ang sambayanang Pilipino. (CLJD/CCN-PIA 3)


Comments