PINAGHIHINALAANG BOMBA NA NATAGPUANG UMUUSOK SA DALAMPASIGAN NG BAYAN NG DINGALAN, PUMUTOK

Pumutok ang isang pinaghihinalaang vintage bomb na nadiskubre sa dalampasigan ng Sitio Aplayang Maliit ng Barangay Paltic sa bayan ng Dingalan nitong Huwebes.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Pulisya sa nasabing bayan,  natagpuan umano ng ilang residente sa lugar ang isang bagay na umuusok sa nasabing dalampasigan na syang dahilan ng agarang pagtawag ng mga ito sa tanggapan ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa nasabing bayan na agad din naman nakipag ugnayan sa tanggapan ng Pulisya.

Sa ekslusibong panayam ng CMN News kay PLT Rufinita B Garcia,  Deputy Chief of Police sa bayan ng Dingalan, kinumpirma nito ang nasabing insidente subalit nilinaw nito na hindi pagsabog ang nangyari kundi pagputok lamang ng naturang umuusok na bagay, matapos makurdunan ng Pulisya ang paligid ng lugar kung saan ito natagpuan.  Narito ang pahayag ni PLT Garcia.

Sa ngayon ay hindi pa rin matukoy ng Pulisya kung bomba nga ba ang nakitang umuusok at biglang pumutok dahil wala pa umano ang resulta sa ginagawang pag aaral ng Explosive Ordnance Disposal Team (EOD) mula sa Aurora Police Provincial Office. Narito ang pahayag ni PLT Garcia.

Samantala pinapayuhan naman ng opisyal ang sino man na pakipag ugnayan kaagad sa mga kinauukulan kung sakalin may makitang kahinahinalang mga bagay at huwag gagalawin o dadamputin lalo pa't ito'y umuusok.

Sa ngayon ay sumasailalim pa rin sa masusing imbestigasyon ng Pulisya sa Lugar ang nangyaring insidente, upang matukoy kung bomba nga ba ang pumutok sa Dalampasigan ng Barangay Paltic at papaano nagkaroon nito sa lugar.

END

Ferdinand Pascual

Comments